Monday, June 13, 2022

Ako'y Kanyang Pinuntahan

Bughaw na tumunghay ang kalangitan. Ang ulap ay dahan-dahan nag-daraanan. Ang sinag ng araw ay sumabay sa malumanay na gising ng mga batang papasok ng eskwela. Mga medalya, ginintuan at nag nanining, mga ribbon at pabuyag bituin, nakasabit sa kanyang dingding ang nagmamasid sa kanyang pangangarap. Balot ng mga salamin na frame at ang iba naman ay niyayakap na mahigpit ng plastic cover. Nakatindig din nanglilisik ang mga tropeyong nakaabang sa may gilid. Lahat ng mga ito’y nag-aabang. Ilan pa kaya ang maidadag sa kanila. Hindi niya pansin ang mga mapagkutyang mata ng mga awards na naghihintay ng kanyang pagluha. Pero ang lahat ng ito’y hindi alintana ni Erika.


Matapos na maghilamos ay muli siyang nahiga sa kanyang kama. Mga mata’y papikit-pikit habang ang kisame ay sa kanya’y nakatitig. Hindi naman niya gustong pumasok, pero kailangan. Pilit niyang inaalala ang panaginip na siya ay isang prinsesa sa malayong kaharian ngunit ito’y naglaho nang bulabugin ni Leni ang pinto ng kanyang kwarto.


“Kang! (Erika) Gising na!” sigaw ni Leni, nakakatandang kapatid na babae ni Erika. “Galit na si mama.


“O! Babangon na!” yamot na sagot ni Erika.


Nagunat si Erika at inayos niya ang kanyang kama. Aninag sa kanyang mukha ang pagkabagot sa paulit-ulit na seremonya tuwing umaga. Pagkagising, magayos ng higaan. Pero hindi na lamang niya ito sinusuway, mas mahalagang h’wag mapalo kaysa sa mapangaralan.


Matapos niyang mag-ayos ng higaan ay tumungo siya sa harap ng salamin at nagsuklay ng kanyang buhok. Hindi na niya maalala ang panaginip niyang isa siyang prinsesa dahil sa sandaling iyon ay iniisip niya isa siyang prinsesa.


“Prinsesa Erika. Ano na namang kayang kalokohan ngayon araw ang ibabato sayo? Paulit-ulit na lang. Wala nang iba. Highschool na nga, pero school pa rin. Sana bakasyon na lang parati. Ang sarap ng parating nakahiga sa malambot na kama. Bumangon ng walang iniisip na oras. Kumain ng kung ano ano kung kailan gusto. Prinsesa Erika.”


Binuksan niya ang kanyang cellphone at nang pipindutin na niya ang Tiktok ay may kumatok sa kanyang kwarto.


“Kamahalang Erika, gising ka na ba?” pabirong tanong ng nag-alala niyang kuya na si Edmar. Si Edmar ang pinakamatanda sa tatlong magkakapatid. “Nagagalit na si mama. Si ate Leni mo galit din. Nagaway ba kayo?”


“Maliligo pa po. Pasabi naman kuya na mauna na kayo, bilisan ko lang,” sagot ni Erika. “‘Di kami nagaway ni ate Leni, ganun lang talaga kami.”


“Sabi mo,” maligalig na sabi ng kuya niya. “Bilisan mo na lang, ha. First day pa naman ng pasukan. Highshool ka na, Erika.”


“Opo, tatay Edmar.” napatawa ang dalawa.


Nang nakaligo na si Erika, napatingin siya sa uniform niyang naka higa sa kanyang kama.


“Ako ito,” sabi niya sa sarili. “Dapat ganito ako. Nakahiga lang sa kama. Pero ako talaga ito. Kailangan maging malinis, walang gusot, plantsado. Walang bahid ng kamalian. Naghihintay ng susuot. Hindi makapili kung ano ang gagawin ng susuot. Masaya sana kung dito na lang ako ngayon sa bahay. Ganun lang din naman ang ginagawa tuwing first day ng school. Kahit saan. Orientation, walang katapusang speech ng kung sinu-sinong ewan lang kung magiging makabuluhan sa buhay ng mga nakikinig. Ay teka nga? Magsasalita pala ako sa stage mamaya. Patay na.”


Pagkabihis niya ay dali-dali na siya lumabas ng kwarto at isinara na ang silid. Nakasilip pa rin sa kanya ang samut-saring mga medalya at awards sa dingding.


Sa hagdanan at maging sa pasilyo ng kanilang bahay, balot ng palamuti ang bawat dingding at estante ng mga tropeyo at awards at ribbon ng dalawang kapatid niya. Hindi hamak na mas marami ito kaysa sa kanyang mga nakamit. Hindi ito pansin ni Erika at hindi rin nila pansin ang estudyateng papasok na.


Pagbaba ni Erika sa may kusina. Nakahanda na ang agahan sa lamesa. Ang ate niyang si Leni ay patayo na at umiinom na ng tubig. Nagmamadali papuntang kotse. Nasa punong dulo ng lamesa ang tatay niyang si Eduardo at magkaharap naman sa tabi ang kanyang nanay na si Margie at ang kuyang niyang si Edmar. Mga nakabihis pang opisina at nagkakape. Sa may tabi ni Edmar ang platong may nakahain na kanin, dalawang pirasong Jumbo Hotdogs at one egg.


Naupo si Erika katabi ni Edmar at nagsimulang kumain. Ang kantang Toxicity ay tumutugtog sa malakas na speaker ng kapitbahay.


“Malakas na naman magpatugtog sila mang Kakay sa tapat,” sabi ni Eduardo. “Mapuntahan nga mamaya.”


“Bayaan mo na. Libangan lang naman din nila yun,” sabi ni Margie. “Hindi naman gaano kalakasan.” Yumanig bigla ang mga platong naka display sa cabinet sa kanila kusina.


“Ang tagal mo!” galit na sigaw ni Leni sa kaniya. Parehas sila ng eskwelahang papasukan. First Year si Erika habang ang ate niya ay Second Year. “Nabawasan ulam mo, bagal mo kasi eh. Ma una na ako sa car. May tignan pa ako sa notes ko.”


“Erika! Kuting bilis lang, nauna na si ate mo,” strikto pero malumanay na sabi ng nanay niya. “May speech ka pa di ba? Galingan mo parati sa school. Tignan mo sila ate at kuya mo. Halatang mana sa mama nila sa katalinuhan.”


“Sa akin naman nagmana sa kagandahan?” pabirong tanong ni Eduardo. Tumawa ang dalawang mag-asawa.


“Ma, pa, ang aga-aga nagbibiruan kayong parang mga bata,” sabi ng dismayadong si Edmar. Napangiti ang dalawang mag-asawa.


“Malalandi,” bulong ni Erika at sabay subo sa kutsarang may kargang piraso ng itlog at kanin. Nakaabang ang tinidor na may nakatusok na Jumbo Hotdog.


“May sinabi ka Erika?” tanong ng nanay niya. Binuksan ni Eduardo ang malaking diyaryong nakahiga sa lamesa at nagmistulang nagbabasa pero nais lamang umiwas sa galit ng kanyang asawa.


Agad itong napansin ni Edmar at napatingin sa bunso niyang kapatid. Napahawak sa baso ng tubig si Margie at akmang ibubuhos nasa ito kay Erika nang biglang tumayo si Leni.


“Ma-” sabi ni Edmar.


“Ma, una na ako sa sasakyan,” sabi ni Leni niya. “Erika bilisan mo, may speech ka pa.” Napatingin siya kay Erika at napangiti. Biglang nagkautang ang bunso nila sa kanya. Tumayo na rin si Erika at inilagay ang pinagkainan sa lababo. Pumasok sa kusina si Christian, isa sa mga kasambahay nila.


“Tapos na kayo kumain, Erika?” tanong ni Christian. “Ako na dyan. Galit na naman ba si mama mo?” Napangiti si Erika at iniling ang kanyang ulo. Nakahinga ng maluwag si Christian. Siya ang natatanging kasambahay nila na parating nase-sermunan. “Hay, salamat.”


Pagkalabas ni Erika sa harap ng bahay nila. Nakaabang na ang kotse ng kuya niya. Si Edmar ay nasa tabi ng kotse at may kausap sa cellphone. Nang mapansin siyang nandyan na ang bunso nila ay dali-dali siyang nagpaalam sa kausap at pinuntahan ang pintuan ng kotse. Bago pa man niya buksan at bumaba ang bintana ng sasakyan 


“Erika, bilisan mo, kailangan maaga tayo,” nag-aalalang sabi ni Leni. Alam ni Erika may kahulugan ang kakaibang pananalita niya. Binuksan na ni Edmar ang pinto sa sasakyan. Napangiti si Erika at sumakay. Sumakay na rin sa kabilang pinto si Edmar. Magkatabi silang dalawa sa harapan.


Bumusina si Edmar kay Christian para buksan na ang gate. May maririnig na malakas na basag sa loob at basang Christian ang lumabas. Nasimangot ang mga mata pero nakangiti ang labi. Tumakbo paroon sa gate, binuksan at yumuko. Binaba ni Edmar ang kanyang bintana at nagpasalamat.


Matataas ang dingding na nakapalibot sa bawat bahay sa subdivision. May mga nagtataasang puno ang mga naka tayo pero mga walang bunga ang nakatambay sa gilid ng kalsada. Kung mayroon man bunga ang mga ito malamang nakatago. Sa taas ng mga dingding nakapalibot sa mga bahay ay mga barbed-wires at may iba din na electric wire. Takot mabisita ng mga mababait ang mga nakatira dito.


Makikita rin ang mga nagja-jogging na mga nakatira sa subdivision sa ganun oras. Mga balot ng silver na jacket kala mo relyenong bangus na imbis iprito, pinatanong sa ibabaw ng kaning mainit. Yung iba naman na nage-excercise may kasamang aso. Simbolo siguro ng pagiging mayaman ang ganun. Pati mga alaga nila kundi bitbit na may sariling hawlang may malambot na higaan, naka jacket pa.


May ilang guwardya din nagpapatrolya at yumuyuko sa pagbati sa mga may ari ng tirahan sa subdivision. Suot ang mga unipormeng ngiti at patay na mga mata. Pagod at walang nang ibang iniisip. Naghihintay na lang ng sahod para buhayin ang pangarap ng kanilang mga anak o kung sino man ang binubuhay nila.


Napahawak at sinusuklay suklay ni Erika ang kanyang buhok gamit ang kanyang kamay nang bigla siyang kalabitin ni Leni sa likod.


“Bakit?” tanong ni Erika. Hindi siya sinasagot at sa halip si Leni ay napapatingin sa gilid na bintana. Nagpaparadam sa utang ni Erika sa kanya. Ilang ulit itong ginawa ni Leni bago ito mapansin ng kanilang kuya.


“Leni,” sabi ni Edmar. Habang nakahinto sa may stop light at nais nang manggasgas sa makulit na kasabay nilang mga jeepney na ayaw magbigay ng madaraanan. “Ang kukulit ng mga to.” Nagulat ang dalawang nakababatang kapatid. Napansin ni Edmar ang kaba ng mga kapatid at napatawa. “Itong mga jeepney. Hari talaga ng kalsada. Ang dadamot. Teka nga, nag aaway ba kayo dalawa, Leni, Erika?"


"Hindi po," sagot ni Erika kinabahan pero ramdam niya ang pagaalala ng kanyang kuya.


"Nagbibiruan lang kami, kuya Edmar," sagot ni Leni. "Pinapakalma ko lang. Aakyat kasi siya stage mamaya. Alam mo na, marami tao doon. Iniisip ko lang si Erika." Hindi makapaniwala si Erika sa naririnig niya sa bibig ng atr niya. Napalingon siya sa likod at nagkatinginan sila. Napangiti si Leni.


"Utang," bulong ng bibig ni Leni kay Erika.


"Buti naman at nagaalala ka rin sa kapatid mo, Leni." Napahinga ng maliwag si Edmar. "Naalala ko rin tuloy noong ikaw din nag bigay ng speech mo last year."


Nanlaki ang mga mata ni Erika sa gulat. Hindi niya inakalang ganoon din ang ginawa ng ate niya. Sa mga panahong iyong, nasa elementary school pa lamang siya.


"Ikaw ba kuya," tanong ni Leni. "Nagspeech ka rin?"


"Hindi, pero noong graduation ko, ako nag salita sa harap," binagalan saglit ni Edmar ang sasakyan para punasan ang kanyang mga mata. Naalala niya ang nakaraan.


"Okay ka kang, kuya?" tanong ni Erika.


"Bilisan mo na, kuya Edmar, male-late tayo pag ganito kabagal ang takbo mo," sabi ni Leni.


"Nandun pa rin ba si kuya Arnold?" tanong ni Edmar. "Ayaw ko kasi maistorbo pa si Amanda para makapasok ako sa school niyo." Si Amanda ay isang teacher sa eskwalahan nila Erika a Leni, siya rin girlfriend ni Edmar. Parehas sila nakapag tapos sa eskwelahang papasukan ng magkapatid.


"Doon ka rin naman nag aral di ba?" tanong ni Leni. "Kilala ka rin naman ng mga teacher doon. Pati nga ata ng principal."


"Teacher ang girlfriend mo doon?" tanong ni Erika. Nagulat si Erika sa rebelasyong narinig. Ang akala niya single pa ang kuya niya.


"First year teacher ng english subject," sabi ni Leni. "Magaling na teacher si ma'am Amanda. Kaso nga lang, hindi kadalasan grammar ang tinuturo niya, karamihan sa poetry."


Napatawa si Edmar sa narinig. Tinuro niya ang huling stoplight na lilikuan nila at makikita na nila ang eskwelahan.


"Puros recitation sa klase ni ma'am Amanda. Pero humanda ka lang kapag magpa quiz, puros subjective," dagdag na pananakot ni Leni. Napangiti si Erika at Edmar. Sa totoo, hindi naman takot si Erika. Nagulat lang siya sa narinig tungkol sa kuya niya. At isa pa ay nais niya nang umuwi, mahiga sa kama at matulog.


Natanaw na nila ang eskwelahan. Ang lugar doon ay kabaliktaran sa subdivision na pinang galingan nila. May mga gusaling malalaki. Ang dingding na naka palibot sa eskwelahan ay 'di kasing taas ng mga bahay sa kanilang lugar. Walang puno kundi mga poste na may mga nakapalibot na tambay. Ang iba'y nangangarap at ang iba naman nagyo-yosi. May mga tindahan sa paligidligid. At may mga jeep at tricycle na akala mo'y mag aaway sa palakasan ng busina. Lahat ng mga ito'y mayroon din sa elementary school na pinasok ni Erika. Walang pagkakaiba. Ganun lang din.


Naunang bumaba sa tapat ng school nila ang magkapatid.


"Ate Leni, kaw muna bahala kay Prinsesa Erika," sabi ni Edmar. Namutla ang mga pisngi ni Erika at ang mga mata niya'y nanlaki. Napangiti na lang at tumango si Leni. Umalis na lulan ng sasakyan si Edmar para maghanap ng paparadahan.


"Prinsesa Erika, tara na na sa mahiwagan paaralan," sabi ni Leni sabay tawa ng mahinhin. Naunang maglakad si Leni sa kanya. Napatigil si Erika dahil iba ang kinikilos ng ate niya. Lumingon si Leni sa kanyang bunsong kapatid at bumolong. "Lahat tayo ay may maskara, hindi lang ikaw."


Napatingin sa kanyang mga paa si Erika sa kanyang narinig. Hindi siya makapaniwala sa nasasaksihan at naririnig. May etyas ng aso malapit sa paanan ng ate niya.


"Ate, may tae," sabi ni Erika. Napalingon ang kanyang ate at napalundag palayo. "Bayad na ako sa utang ko, ah."


Lumabas ang pangil ng Leni at nanggigil sa inis kay Erika. Pero ito'y kanya na lamang pinabayaan.


Bago sila pumasok sa gate ay pinakita muna nila ang kanilang mga ID at pumila sa labas bago makapasok sa covered court. Dito gaganapin ang flag ceremony.


May mga nakapilang mga bagong sibol na halaman sa likuran ng mga dingding ng paaralan. May mga bulaklaking santan, dilaw at pula. Pero din puno ng kamias na pinalilibutan ng ilang estudyante na mistulang pumipitas ng panghimagas sa umaga. Bakas sa kanila mga matatamis na tawanan ang maasim na lasa. Nagluluntin ang mga nakapalibot na halamanan sa gilid ng mga gusali 

At ang mga pader naman ay pininturahan ng alaala, makikita ang mga na vandalize na guhit sa isang maliit na sulok na kakailanganing silipin ng maigi para makita. Tagong-tago, kung kaya't hindi pa nabubura. Kaparehas lang din sa dating paaralan ni Erika.


Hudyat na ng simula ng pasok ang pag galaw ng pila. Nagkahiwalay ang magkapatid ng marating nila ang covered-court.


Sabat sulok ay may mga school building. Naka tayong mataas ang flagpole at sa ibaba mga estudyanteng napilitang msg boluntaryo para mapataas ang bandila at ang kanilang grado. May stage sa harap, nasa itaas ang prinsipal katabi ang iba pang mga estudyante.


Pumila ang mga 1st Year sa gilid, sa kabilang gilid ang mga 2nd Year, nasa likod ang mga 4th Year at nasa harapan ang mga 3rd Year.


Hindi naging mahirap ang paghahanap ni Erika sa section na kinabibilangan niya. Binigyan naman sila nga papel ng pangalan ng kanilang section, Alexander-1, galing sa pangalan ni Alexander the Great na naging isa o 'di kaya ay ang pinakamagaling na mananakop sa matagal ng kasaysayan. Maliban dito, may picture din ng adviser na kasama. Hindi na niya binasa ang placard na dala ng mga guro basta ang alam niya siya ang adviser nila.


Nang matapas ang kung ano-ano pang ritwal na seremonya ay nagsi alisan na ang mga nakatataas na mga estudyante. Nakita si Erika ni Leni at nilapitan.


"Anong ginagawa mo dyan?" tanong ni Leni.


"Nakapila, ano sa tingin mo?" galit na sagot ni Erika. Ayaw niya na tinuturing siyang bata ng kahit sinuman maliban na lang ng kuya niyang si Edmar.


"Bakit ka nga kasi dyan nakapila?" tanong ni Leni. "Hindi yan ang section mo." Hinatak niya si Erika papunta sa harapan. Nakalagay sa placard ay Magellan-1. Nanlaki ang kanyang mata at namutla ang kanyang mukha. Napahiya niya sarili niya.


"Bakit iba yung nasa picture dun sa binigay na papel?" nangnginig na tanong ni Erika.


"Ha? Anong papel?" tinignan niya ang papel na tinutukoy ni Erika. "Ay, hindi na sayo nabanggit? May mali daw sila nagawa sa mga na distribute nila na papel. Kaya nga mga placard na bitbit ang mga teacher."


"Saan ako ngayon?" tanong ni Erika na nadagdagan pa lalo ang panlulumo sa kahihiyan.


"Ayon!" tinuro ni Leni ang isang guro na may placard na Alexander-1. "Swerte, si ma'am Amanda ang adviser niyo."


Nang makita na nila ang tamang section ni Erika iniwanan na siya ni Leni. Mahuhuli na raw kasi siya sa first subject niya. Sumingit sa likod ng pila si Erika. Ito naman ay napansin ni Amanda. Nagbilang siya palikod at nang tumugma ang bilang ng estudyante niya ay pinalakad niya na sila. Nilapitan niya si Erika.


"Bakit late ka?" bulong ni Amanda.


Sasagot na sana si Erika nang biglang lumapit ang nakakatanda niyang kapatid.


"Amanda," nakatingin siya sa adviser at huli na niyang napansin ang kanyang kapatid. "Erika." Napangiti si Edmar. "Tinext ako ni Leni, si Amanda pala adviser mo." Napansin niya ang nahihiyang mukha ng kapatid niya. "Gusto ko lang makita ang kapatid ko."


"Kapatid mo si Edmar?" tanong ni Amanda sa bata. Tumango si Erika at kumislap ang mga mata ng adviser niya. "Kaya pala nag number 1 ka sa entrance exam. Mana ka sa kuya mo, noh?"


Napatigil ang galaw ng pila ng section nila at nilapitan si Amanda.


"Ma'am Amanda, male-late na po tayo," sabi ng estudyante na nagmula sa harap.


"Ay, oo nga pala," gulat na sinabi ni Amanda. "Edmar, mamaya na lang. Hintayin mo na lang ako sa canteen." Nakangiting umalis si Edmar. Hindi na siya nakapagpaalam kay Erika.


Pumalakpak pa si Amanda hudyat na ituloy ang pag galaw ng pila. Pabalik na sana ulit si Erika sa pila nang hawakan siya sa balikat ni Amanda.


"Sabihin mo sa akin kung anong nangyari mamaya," nakangiting bumulong si Amanda.


Pagdating ng Alexander-1 sa home room nila, nagpakilala ang guro nila at nagkaroon ng introduction ng mga estudyante. May mga mamula mula pa na mga bata, dahil nahihiyang magsalita pero tinulungan sila ni Amanda para mawala ang kaba.


Kakaiba ang guro ito pasya ni Erika. Pero kung iisipin ganiti naman talaga dapat at parati na lang ganito.


Matapos ang pagpapakilala sa sarili ay binigyan ni Amanda ang mga estudyante na magkakilala ng kanila sarili sa kanilang paraan. Pumurma ng mga grupo ang bawat estudyante, ang iba'y nagtatawanan at kung ano pa. Sa ganitong paraan nabigyan ng sariling oras ang mga estudyante para lubusang makapagpakilala, makikilala ng iba at makilala ang magiging sarili nila.


Lumabas si Erika para lumayo sa mga kaklase.


"Ganito lang na naman ulit," sabi ni Erika sa kanyang sarili. Hindi niya pansin na nasa likod niya ang kanyang adviser.


"Saan ka pupunta?" tanong ni Amanda. Tumalikod si Erika at nang makita niya ang adviser nila ay nagmistulang galit na pusa na nagngitngit. Nagulat siya sa kanyang ginawa at humingi ng paumahin. Napatawa si Amanda ksy Erika. "Anong mayroon sayo?"


Mapungay ang mga mata na Erika at sinabing wala. Basang-basa ang pagkabagabag ng estudyante.


"Galit ka ba sa akin?" tanong ni Amanda. Tumingin siya sa kanyang orasan at hinawakan ang balikat ni Erika. "Saglit lang."


Nagpunta si Amanda sa loob ng klase at nagpaaalam sa mga estudyante.


"Ok po ma'am," sagot ng isa sa mga estudyante. "Balikan nyo po kami mamaya, ma'am." sabi ng isa. "Ako bahala, ma'am." sabi ng isa pa. "Pwede po kami lumbas? Para ma-tour ang school? Ay, ok po salamat po. Bago magstart ang orientation."


Bumalik si Amanda kay Erika at inanyayahang maglakad.


"Tara sa canteen," sabi ni Amanda kay Erika. "Nandoon si kuya Edmar mo. Alam kong nagaalala siya sayo."


Ito ang unang pagkakataong may nagalala sa kanya maliban sa kanyang kuya. Tumango siya at sumunod sa kanyang adviser.


Ang sahig ng paaralan ay bakas ng mga yapak ng mga nagdaang estudyante. Marahil nga'y may nakaapak ng tae ng aso sa harap ng paaralan, pero kung titignan mo hindi mo naman mapapansin. Mga yapak na mas mabigat sa iba. Ang iba naman akala mo hindi na makita, pero nandoon. Basta ba h'wag mo nga lang aamuyin.


Nakahilera ss katabi ng mga dingding ang mga kabinet na naglalaman ng sandamakmak na mga tropeyo na naghihintay psng madagdagan. Basta nga lang h'wag lang lapastanganin at sirain ng mga estudyante.


Nakadikit naman sa pader ang mga ginawa guhit ng mga estudyante. Mga guhit ng mga artistikong kopya ng mga manunulat ng comics. Ang mukha ni pedro penduko nung siya tumanda na ay kamukha na rin ni panday. Kung 'di lang dahil may nakapaskil na pangalan, tiyak hindi mo na sila makikilala. May mga slogan din. Pati na yata mga linya sa ten commandments ay kasama. Thou shalt not lie; The children are the future; mas masahol pa sa tindera ng isda ang lansa ng hindi marunong mag wika. Nakadikit din naman ang mga pangalan ng mga nagsabi: Dr. Jose Rizal, Churchill, Eliot, Marx at ang kilalang kilala ng lahat si Anonymous.


Ang mga bintana sa tagos sa mga silid aralan, may basag, may naka bukas at karamihan inaalikabok. Hindi ata nagpalinis sa mga parents sa last na PTA activity. Pati siguro yung mga pilit na binuluntaryo na mga estudyante tinamad din.


Kisame lang ata siguro ang natatanging malinis. Maliban sa alikabok sa kunting gilid at sapot ng gagamba sa may bandang gilid, kisame lang ang natatanging hirap maabot ng mga maliliit na estudyante. Malas na nga lang kung mayroon mga matangkad, mahilig magpakitang gilas nankayang abutin ang kalangitan. Susubukang abutin ang napaka linis na kisame gamit ang maruruming kamay. Pero kababalaghan naman kung makakita ka ng bakas ng yapak ng mga sapatos na naglalakas sa kisame.


Ang lahat ng ito'y nadaanan na ni Erika. Ito ang unang beses niyang mapansin ang pasilyo ng kanilang paaralan. Pero hindi ito ang unang beses na makita niya ang ganitong pasilyo. Lahat na lang ay paulit-ulit na kopya. Kahit may kunting pagkakaiba ganun pa rin. Pare-parehas lang talaga.


"Kumusta ang talumpati mo mamaya?" biglang tanong ni Amanda. Nanlumo si Erika. Hindi pa pala siya handa para sa speech na gagawin niya. Pero alam niya parehas lang din naman ito ng dati. Hindi siya dapat kabahan. Napansin ni Amanda ang panginginig ng kamay ng Erika.


"Ok lang po, ma'am," nanginig na sagot ni Erika.


"Hindi nga?" tanong ni Amanda.


"Erika!" sumigaw sa dulo ng pasilyo si Leni. Nilapitan niya ang dalawa at siya'y nagbigay galang kay Amanda. "Good morning po."


"Ikaw ay si?" tanong ni Amanda kay Leni.


"Kapatid po ako ni Erika, ma'am Amanda," sagot ni Leni.


"Hindi ko maalalang naginf estudyante kita? 2nd year, di ba?" sabay turo ni Amanda sa kulay ng ID niya. Green para sa first year, pink sa second, yellow sa third at blue para sa fourth years.


"Hindi po," sagot ni Leni. "Parati ka po kasi naikukwento sa akin ni kuya Edmar."


"Ha?" nagulat si Amanda sa narinig at namula ang kanyang pisngi. "Ay, kapatid mo pala si Erika. Kapatid ka rin ni Edmar." Napatawa ang guro at sinabayan na lang ng pilit na tawa ng dalawang estudyante. "Pasensya na mabagal si ma'am Amanda. Hindi rin kasi palakwento si Edmar tungkol sa pamilya niya."


"Anong klaseng relasyon mayroon ang dalawang ito?" napaisip si Leni. Nang mapalingon siya sa kanyang kapatid napansin niyang may mabigat itong dinadalang problema. May dinukot si Leni sa kanyang bag at iniabot ito kay Erika. "Naiwan mo kanina sa bahay, nakalimutan ko iabot sayo kanina."


Binuksan ito ni Erika at nakita niya na speech ito sa orientation. Naka type written pero may sulat ng ballpen. Kopya ito ng talumpati ni Leni at sinasabi niya na ibahin ang ibang nakasulat dito. Ang kaba ni Erika ay naging yamot. Hindi niya kailangan ng kodigo at hindi niya kailangan kopyahin ang ginawa ng ate niya.


Matapos magpakilala ay nagpaalam na si Leni sa dalawa, may klase pa kasi siya.



"Ma'am, saan po ang library dito?" tanong ni Erika.


"Ayaw mo nang puntahan ang kuya mo?" nagtatakang tanong ni Amanda.


"Mamaya na lang po pagka lunchtime kung nandun pa siya o mamayang hapon na lang sa bahay," sagot ni Erika. "May aayusin lang po kasi ako sa speech ko."


Napangiti ang guro sa sigasig ng bata. 


"Samahan na lang kita. I-text ko lang si Edmar na bumalik na lang siya mamayang lunchtime," sabi ni Amanda. Tumango si Erika na hindi buong napansin ang gagawin ng guro.


Nagpunta ang dalawa paakyat sa third floor at sa may dulo ng xerox copy na mga pasilyo ang library. Nakasarado at nakakandado ang pinto. Nagtaka si Erika kung bakit naka sara. Nagulat na lang siya nang ilabas ni Amanda ang susi.


"Ikaw ang unang estudyanteng makakapasok ngayong taon sa library ng school na ito," nakangiting sinabi ni Amanda kay Erika. Maluha luha ang kanyang mata at pahikbi-hikbi ang kanyang boses.


"Ma'am Amanda, ano pong problema?" tanong ng natataratang si Erika.


"Masaya lang ako," sagot ni Amanda. "Last year kasi, talagang walang nagpupunta dito. Mayroon lang kapag nire-require ng subject nila. Ikaw lang ulit ang pupunta dito dahil gusto mo."


Pumasok ang dalawa sa silid aklatan.


Napansin ni Erika na napakalinis ng loob. Iba sa napansin niya sa labas ng library. Maayos na nakahilera ng alpabetiko ang mga libro. Lahat ay may malinis na plastic cover. Ang mga silya't lamesa ay malinis. Kahit ang pwetan ng mga silyang nakataob ay malinis na malinis. Maputi at para bang bagong pintura dingding. Sa may bandang itaas ay may mga larawan ng mga tanawin sa ibang lugar. Malinis ang mga ceiling fan. Ang kisame naman ay may mga nakadikit na mga slogan.


"Kakaiba 'di ba?" sabi ni  Amanda. Binuksan niya sng ilaw ng library.


"Maganda naman," sagot ni Erika pilit na tinatago ang pagkamangha sa kanyang nakita.


"Si Edmar nagpupunta dito tuwing sabado, para tulungan ako sa library. Noong bakasyon naman, kapag may libre siyang oras ay pumupunta siya dito," bunyag ni Amanda. "Sinasabi niya sa akin na mahilig daw sa libro ang bunso niyang kapatid at dito raw papasok ngayong taon." Napatawa ang guro. "Ibaba mo yung isang upuan malapit sa bintana, doon ka mag ayos ng speech mo. May ayusin lang ako saglit puntahan kita doon. May papel at ballpen ka ba?" Naiwan ni Erika ang bag niya sa kanilang homeroom. "Ito mayroon ako, pahiramin kita."


Nagtungo si Erika sa tinuro ni Amanda. Binuksan ng guro ang electric fan sa sulok at bahagyang itinutok ito kay sa estudyante. Nang maiabot ang papel at ballpen ay umalis lang siysng saglit. Kukumustahin niya lang ang Alexander-1 kung ano na nga ba ang ginagawa nila.


Napasilip si Erika sa bintana. Tanaw ang makapal na luntiang puno at sa may likod nito ang kabilang gusali ng paaralan.


"Mapagalala talaga si kuya Edmar sa akin." sabi niya sa kanyang sarili. "Kaya pala noong bakasyon mayroon siyang mga lakad na hindi niya sinasabi sa akin. Sopresa pala niya ito sa akin," napangiti sa Erika. Tinignan nya ang mga larawang nakapaskil sa bandang itaas ng dingding, napansin niya na ito pala ay mga pamilyar na lugar. Mga lugar na pinuntahan nilang pamilya. Mga lugar sa kanilang probinsya. Mga lugar na pinuntahan ng kuya niya na hindi siya naisama. Lahat ng mga larawan ay may kahulugan sa kanya. Napatingala si Erika sa kisame at binasa ang nasa itaas: Even in the absence of light, you will shine bright. Naalala niyang binabanggit parati ito ng kapatid niya. Napaisip tuloy siya kung plinano ba ito ng kapatid niya o nagkataon lamang.


Naalala na lamang ang kanyang gagawin nang maramdaman niya kanyang kamay ang lukot na talumpati na binigay sa kanya ng ate niya. Tinignan nya ang oras, lima minuto na lang nakalaan bago ang start ng orientation.


Dali-dali siyang nagsulat ng kanyang sasabihin. Hindi niya na napansin si Amanda na pumasok at kinuhaan siya ng litrato habang nagsusulat. Bini-video siya ni Amanda ng biglang tumunog ang kanyang cellphone.


Napasilip si Erika at namutla. "Ma'am Amanda, ano pong ginagawa nyo?"


Nakangiting sumagot si Amanda: "Bini-video ka." Lulundagin na sana ni Erika si Amanda para hablutin ang cellphone. "Utos ito ni kuya mo. Gusto ka niya kasi makita."


Nagulat si Erika sa sinabi ng guro.


"Hindi ba manunuod sa mamaya sa akin?" tanong ni Erika.


"Sabi mo kasi ayaw mo siya makita kanina. Tapos sabi mo gagawin mo yung speech mo sa library. Iyon ang tinext ko sa kuya mo," sagot ni Amanda. Tila ba may pumitik na kirot sa kanyang dibdib. Nagmukha siyang galit sa kanyang mahal na kapatid.


"Ayaw ko na," bigong sinabi ni Erika.


"Bakit?" nagaalalang tanong ni Amanda kay Erika.


"Inagaw mo na nga si kuya sa amin, tapos sinabi mo pa na ayaw ko siyang makita," napangiti si Amanda sa sinabi Erika. "Ayaw ko na."


"Saglit i-text ko lang si kuya mo," sabi Amanda. Matapos ang ilan saglit ay napa-okay siya kay Erika. "Mamaya daw kain tayo sa labas, sabi ng kuya mo. Isama na rin natin si Leni."


"Sabi niya?" tanong ni Erika.


"Oo, para din daw pormal akong makapagpakilala sa inyong dalawa," sabi ni Amanda. "Kaya h'wag ka na mag mukmok diyan. Naka video naman ito, makikita din ito ng kuya mo."


"Pwede h'wag mo akong i-video ngayon," nahihiyang sinabi ni Erika. "Hindi kasi ako maka focus sa sinusulat ko." Napatingin si Erika sa oras. "Hala? Anong oras na?"


Napalingon si Amanda sa oras.


"Maaga pa? Bakit?" nagtatakang tanong ni Amanda.


"Yung orientation," nanlulumong banggit ni Erika.


"Hindi ka nasabihan?" sabi ni Amanda. "Minove ito mamaya pa. Ay nga pala, na-cancel lahat ng subjects ng mga first years hanggang magstart ang orientation. Free Roam daw tawag ng principal. Yung ibang kaklase mo kundi nakatambay sa home room, nasa canteen. Naiinggit yung mga higher years sa inyo. Masyado daw kasi maluwag ang principal ngayon."


Nakahingang maluwag si Erika at nagpatuloy sa pagsulat. Binaba ni Amanda ang kanyang cellphone at nag tingin din ng kanyang lesson plan para sa susunod na araw at mga book request para sa library. 


Magkakalahating oras na tahimik ang library maliban sa tunog ng ballpen at papel na tumutugtog ng musikang gawa sa tinta.


"Ma'am Amanda," binasag ni Erika ang katahimikan. "Saan po kayo nagkakilala ni kuya?" Napatigil sa pagsusulst ang guro at napangiti.


"Erika, tapos mo na ang speech mo?" tanong ni Amanda.


"Kakatapos lang po," sagot ni Erika.


"Pwede makita?" tanong ni Amanda. Ayaw gumalaw at magsalita Erika. Hinihintay niya ang sagot sa kanyang katanungan. Tinuro ng guro ang isang larawan. Isang puno sa probinsya.


"Ano pong mayroon sa picture na iyon?" tanong ni Erika.


"Ano sa tingin mo?" tanong ni Amanda. Napangiti ang guro dahil tahimik na nagiisip ang estudyante. "Parehas kami nakapagtapos dito ng highschool. Dito sa mismong pwestong ito kami madalas magkita. Mga student librarians kami. Parang sa sinabi ko sayo kanina, wala naman mahilig magpunta dito. Ang dating librarian tinatamad din pumunta. Wala rin naman kasing ginagawa dito kapag walang gumagamit ng library."


"Anong mayroon doon sa puno?" sa isip ni Erika.


"Pabasa naman ng ginawa mo, Erika," hiling ni Amanda. Ito'y maatubiling inabot ni Erika. "Ang lalalim ng mga salita. English pa. Maiintindihan kaya ito ng mga ibang first years? Teka?" inikot ng guro ang papel ng talumpati. Maliliit ang pagkakasulat, baliktaran at may walo pang papel. Baliktaran din na may nakasulat. Masusing niyang tinignan itong lahat. "Hindi nga, Erika?"


"Bakit po?" tanong ni Erika.


"Masyadong mahaba," sabi ni Amanda. "At ang daming mga salitang masyadong advance para sa inyo. Maski ako hindi ko alam kung anong ibig sabihin."


"Hindi po ba dapat ganyan?" malungkot na tanong ni Erika.


"Masyado mong ginalingan," sabi ni Amanda. "Ipakita natin ito mamaya sa kuya mo. Pero sa ngayon kailangan mong gumawa ng mas maikli. Hindi lang kasi ikaw ang magsasalita mamaya. At  kailangan babaan mo ang mga salita mo." Napatingin ang guro sa orasan. "Nako, wala ka na rin palang oras."


"Paano po ito?" kinakabahang tanong ni Erika.


"Hindi ba may inabot sayong papel ang kapatid mo kanina?" tanong ni Amanda. Napahigpit ang hawak niya sa kanyang ballpen. Iniisip ni Erika ang nakangiting mukha ni Leni. "Pwedeng makita?"


"H'wag na po. Okay na pala," sabi ni Erika.


"Hindi kita papayagan magbigay ng speech kung hindi ikaw ang gumawa," sabi ni Amanda. Natataranta na't nagaatubili si Erika umamin sa plinano ng kapatid niya.


"Sige, pinapayagan kita. Pero ngayon lang. Kailangan i-revise mo ng maayos yan at ganyan lang din dapat kaikli," sabi ni Amanda.


Saglit na natapos ni Erika at muli itong pinabasa kay Amanda. Namangha ang guro. Napansin niya rin na naging magulo ang buhok ng estudyante. Paulit ulit niya kasing kinakamot ang kanyang ulo habang sinusulat ang kinopyang talumpati.


Tumayo si Amanda, kumuha ng suklay sa kanyang bag at nilapitan si Erika.


"Okay lang?" tanong ni Amanda. Pumayag naman si Erika. "Minsan kailangan mong gumawa ng mali." sabi ng guro habang sinusuklay niya ang kanyang estudyante. "Isa ito sa mga bagay na dapat matutunan at kaharapin. Kapag may makapansin, sasabihin ko na ganyan naman talaga minsan magkatugma ang mga repleksyon sa buhay ng mga magkakapatid o 'di kaya ay sasabihi ko na tinulungan ka ng ate mo. H'wag mo lang kakalimutan kung ano ang maling nagawa mo. Alam ko sa ngsyon inaamin mo sa sarili mo na mali ka. Mali naman talaga, pero h'wag mo sanang iisiping tama ka, na walang kang ginawang mali. Basta yun na yun." Napayakap sng guro sa estudyante.


Pero ang katotohanan. Nagagalit si Erika dahil hindi muli na naman siyang nagkautang sa kapatid niya. Hindi niya lamang pinahalata ito sa kasintahan ng kuya niya.


Nakapag ayos na si Erika at bumalik na ang dalawa sa homeroom ng Alexander-1. Pumila ang mga estudyante si Erika ang nasa harap. Katabi niya ang kanilang adviser.


Nagtungo sila ng auditorium at pinaupo ang section nila sa harapan. Sumunod sa kanila ang Caesar, Bonaparte, Charlemagne at Magellan.


Malaki ang auditorium at naka aircon. Nakalibot ng mga upuan sa entamblado kung saan aakyat mamaya si Erika. Medyo madilim ang lugar at ang liwanag ay nakailalim sa mga kisame. Aakalain ninuman na siya ay nasa loob ng isang malaking opisina. Walang gaanong palamuti ang nakahadlang sa mga mata ng sisilip doon at mga napasok halaman lamang ang nagsisilbing palamuti sa lugsr naiyon. Ang hagdan pakyat ng entablado ay nasa magkabilang gilid at may katabi halaman na nakapaso. Mga halaman na ayaw maarawan at sapat na ang sinag ng mga nagniningning na guests at speakers. Sa ibabaw ng stage ay natayo sa gilid ang lectern kung saan nakakabit ang mikropong gagamitin sa pagsasalita. Sa may likuran ang bandilang sagissg ng Pilipinas at sa kabila naman ay ang sagisag ng paaralan. May nakatayo din halamang nakapaso. Nakalimutan bumaba pero huli na para umalis dahil simula na ng orientation. May tatlong spotlight sa kisame sa tapat ng entablado nagbibigay ng tatlong anino sa kung sinuman ang tatayo sa itaas.


Nagpalakpakan ang mga estudyante dahil inutusan sila ng master of ceremony. Hindi nila alam kung ano ba ang sinasabi. At kung mayroon may talagang nakaintindi, maswerte sila.


Tinawag na ang pangalan ni Erika paakyat ng entablado. Pinatay niya ang kanyang pagaatubili at tumungo sa taas. Napansin niya wala naman may gustong makita sa kanyang mga kamag aral, ang mga guro ay nagbabalatkayong makikinig ng buong puso pero ang isip naman ay nasa ibang bagay. Ang natatanging dahilan niya lamang sa pagsalita ay ang may hawak ng cellphone at siya ay bini-video.


Nang matapos ang pagsasalita niya ay hirap siyang maalis ang pagkayamot sa kanyang mukha. Nakita niya kasing nanuod si Leni at pasayaw sayaw sa likod. Iniutos ng master of ceremony na pumalakpak ang tagapakinig na hindi naman nakinig na pumalakpak. At ang lahat ay nagpalakpakan. Masya na raw ang lahat. Tama ang sinabi ng ate niya sa kanya, lahat ay may suot maskara. Marahil hindi niya madaling makikita ito sa iba, ang alam niya lamang ay paulit-ulit na lamang ang lahat.


Nagsilabasan na ang mga estudyante sa auditorium. Hihintayin sana ni Erika ang adviser nila pero sinabihang siysng hintayin siya sa malapit sa may gate. Yun lang din niya nalaman na pwedeng lumabas ng eskwelahan ang mga highschool students ng paraalan para mag lunchbreak.


Hinatak siya ng kapatid niya na si Leni pagkalabas niya ng auditorium.


"Tara kain," sabi ni Leni.


"Sabay ko si ma'am Amanda," sabi ni Erika.


"Close na pala kayo?" nakangiting tinanong ni Leni.


"Mabait yung girlfriend ni kuya," sabi ni Erika. Napasimangot si Leni sa komento kay Amanda at pinilit niyang ngumiti. "Sama ako."


"Hintayin ko daw siya sa may gate," sabi ni Erika.


"Tara," sabi ni Leni. Hatak niya ang kanyang kapatid papunta sa may gate.


Habang hinihintay nila si Amanda. Nakarinig sila ng mga yapak ng kabayo sa labas ng kanilang paaralan. May isang babae estudyante ang tumakbo palabas ng eskwelahan.


"Si Badet yun, ah," sabi ni Leni.


"Badet?" tanong ni Erika.


"Kaklase ko," sagot ni Leni. "Teka lang, habulin ko. May problema ata."


Iniwan ni Leni ang kanyang gamit sa kapatid niya. Napalingon siya sa kanyang orasan. At tumingin sa kinaroroonan ng auditorium.


"Ang tagal naman ni ma'am," sabi ni Erika sa kanyang sarili. "Si ate Leni, umalis pa bigla." Inilabas niya ang kanyang salamin para tignan ang kanyang sarili. "First day school, haggard." Inayos niya kanyang buhok gamit ang kanyang kamay. "Hindi ko kakalimutang magdala ng suklay bukas." Inaayos niya ng kaunti ang gusot sa kanyang blouse at palda. Muli siyang tuminging sa kanyang salamin at nagisip kung ano pa ba dapat ang kailangang ayusin.


"Erika!" tinawag siya ni Amanda. Doon niya lamang napansin na napakaganda talaga ni ma'am Amanda. Slim na figure, mahaba at straight na buhok. Hindi halatang may make-up or wala sa sobrang natural ng kanyang kagandahan. At sa paraan ng kanyang pagdala sa sarili maiisip talaga na malayo ang narating ng kasintahan ng kuya niya. Siya'y biglang nanghinayang na wala na ang kuya nila sa kanila. 


Naalala bigla ni Erika ang mukha ni Leni nang banggitin niyang mabait si Amanda. Napaisip siya na baka mayroon siyang hindi napapansin. Naalala niya ang sinabi ng kapatid niya sa kanya: 'Lahat tayo ay may maskara.' Nakangiting pilit na kumaway si Erika kay Amanda.


Huminto ang yapak ng kabayo sa tapat ng gate ng paaralan nila. Pumasok ang isang malusog na estudyante. May kakaibang amoy na dala. "Iho, ID mo?" tanong ng guard. Napalingon si Erika sa bagong pasok na estudyante. Gusot gusot ang damit. Basa ng pawis ang buhok. Ang kanilang mata'y nagkatitingan. Napangiti sa galak ang malusog na estudyante.Ang mukha ni Erika ay napasimangot.


"Bakit amoy tae?"

No comments:

Post a Comment