Tuesday, June 7, 2022

Siya'y Aking Pinuntahan

Maliwalas ang kalingatan habang tirik ang mga gusaling naka palibot sa compound. May mga pipit na palipad-lipad, sa balkonahe ng mga kondo. Maliit at walang sining ang kanilang pagkakadula, katunghayan ngang nasa siyudad sila. Makikisig sa pagkakakapit ang mga dinadapuang kable nakakapit sa mga poste sa sulok at gilid ng mga gusali. Sa bandang ibaba makikita ang mga mukha ng mga nagdaang kumandidato, Mababasa rin dito ang numero ng kumpanya kung nais magpasisipsip ng inodoro. Katabi nito’y kundi mga matatandang naka pwestong nagtitinda ng samut-sari-sari na abubot, may mga nagyoyosing kalalakihan at dilag na naghihintay maalala ng kanilang pangarap. Sa may ‘di kalayuan maririnig ang busina ng mga jeepney na maaga palang ay naguunahang makatapos na sa kota ng boundary para naman may mapang almusal na. Hihinto lang naman sila ay ngingiti sakaling may paparang pulis o enforcer ng trapiko na dumadagdag lang din naman sa problema.


Pero ang lahat ng ito ay hindi pansin ni Mark John. Ang tanging nasa isip niya lamang ay hindi makapaniwala sa unang araw ng kanilang klase ay siya ay mahuhuli para sa first subject. Ni-hindi nga nya alam kung ano ang pangalan ng teacher nya.


“Kuya Rolly!” yamot na tawag ni Mark John sa nakakatanda niyang kapatid. “Bakit ba naman kasi nakalimutan mo dalhin yung wallet mo.” Pero hindi niya pansin siya rin ay may nakakalimutan.


Napakamot na lang si Rolly at tumawa. Naiintidihan niya ang pagkainis ng kanyang nakababatang kapatid.


“Libre na lang kita maya ng Lunch. H’wag ka na magalit,” pa-cute na sinabi ni Rolly.


Naghintay si Mark John sa labas ng compound. Binabaybay ng kanya mata ang mga kaganapang araw-araw na nangyayari sa kanilang bakurang siyudad. Kapayapaan ang sumusulyap sa mga taong nakapalibot sa kanila. Sa may ‘di kalayuan at narinig niyang nagmumurahan ang tropa niyang si Nonoy at Franco.


“Walang kayong pasok Lulung (Nonoy), Butod (Franco)?” tanong ni Mark John.


“May pasok ba?” tanong ni Nonoy.


“Loko!” sagot ni Mark John sabay tawa ng tatlo.


“Tinatamad kami pumasok. Pupunta lang din naman sa pag trabaho, eh,” sagot ni Franco.


Lumabas bigla si Rolly.


“Oh! Butod, Lulong. Wala kayong pasok?” tanong ni Rolly.


“May racket si Kuya Rico,” sagot ni Nonoy. “Sama daw kami. Pera din yun.”


“Kailangan magbanat ng buto,” sabi ni Franco.


“Weh,” sabi ni Rolly. “Puntahan mo lang naman ata dun si Ate Pokwang.”


“Unggoy,” sabi ni Franco at napatawa na lang sila.


Napatingin si Rolly sa kanyang orasan at napansin niyang hindi na silang dalawa makapasok sa unang subject. Dali-daling nagpaalam ang dalawa kila Nonoy at Franco at tumungo na sa sakayan ng Jeep. May ilang kanto rin ang kanilang mabilis na nilakad.


“Kuya Rolly, yung wallet mo?” tanong ni Mark John sa kuya nya. Napadukot sa bulsa si Rolly at pinakita niya ang kanyang pitaka kay Mark John. Pinagyabang niya pang marami itong laman. Naka sideline kasi siya nung bakasyon nila kaya kargado siya.


“Maya uwian libre kita spaghetti,” sabi ni Rolly.


“Sige ba,” sagot ni Mark John.


Makalipas ang kalahating oras na paghihintay nila Mark John sa sakayan napatingin ulit si Rolly sa kanyang oras.. Pinagpapasyahan nya bang pumasok o hindi na lang.


“Pasok pa ba tayo MJ?” tanong ni Rolly.


“Anong oras na ba?” tanong ni Mark John.


“Mag third subject,” sagot ni Rolly. “Sermon na naman ako nito ay Badet.” Si Bernadette ang girlfriend ng kuya ni Mark John.


“Kung takot ka sa kanya,” sabi ni Mark John. “H’wag ka na pumasok. Ako na bahala.”


“Baliw ka talaga,” sagot ni Rolly.


Nagtawanan ang magkapatid at maya-maya ay napadaan si Melchor, ang kaibigan nilang lisensyadong driver ng kalesa. Napasimangot ang mga naghihintay ng sakay sa amoy ng kabayong dumating. Nakangiti naman ang nagmamaneho nito. Lulan ng pulang kalesa, tinawag ni Melchor ang dalawa.


“Bakit nandito pa kayo?” tanong ni Melchor.


“Walang masakyan,” sagot ni Rolly.


“Sakay na kayo, hatid ko na kayo dun,” sabi ni Melchor. “Doon din naman kasi ako pupunta.”


Sa una ay tumanggi sa anyaya ang dalawa. Nais kasi ni Melchor na ihatid ang dalawa ng walang bayad, siya ayaw naman ni Rolly. Si Mark John naman ay nahihiya sumakay ng kalesa sa siyudad patungo sa kanyang paaralan. Pero ‘di nagtagal ay pumayag na ang dalawa. Hindi naman talaga gustong sumakay ni Mark John, nagpumilit na lamang si Rolly nang mabasa niya ang text sa kaniya ni Bernadette.


Ayon sa mahiwagang orasan ni Kuya Rolly, kanina pa nagsimula ang third subject.


Habang binabaybay nila ang kalsada nagiiwan ng bakas na ebak ang kabayo ni Melchor. Napapatingin na lamang ang mga nakakasaksi. Ang mga kasabayan nilang sasakyan ay mabilis sa pagtakbo at tinitiyak nilang hindi mapahinto sa likod ng kalesa.


“May ibibilis pa ba ito, Tags (Melchor)?” inip na tanong ni Mark John. Hindi maipinta ang yamot sa kanyang mukha. “Tapos na ata ang 4th subject namin sa sobrang bilis.” Sarkastiko niyang komento. Napatawa na lang si Melchor. Si Rolly naman ay nakatutok sa kanyang cellphone, tini-text si Bernadette.


“Papasok pa ba kayo?” tanong ni Melchor. “Anong oras na? Kung ako sa inyo, h’wag na lang.” Nasuntok ni Mark John ang balikat ni Melchor. Ito naman ay ginantihan ng halakhak. “Sige, sige, bibilisan na namin. Babayaran naman din ako ng kuya mo.”


“Paki konting bilis na lang, Taguro (Melchor),” sabi ni Rolly. “Kahit maabutan man lamang namin ang lunch break”


Iwinasiwas ni Melchor ang kanyang latigo sa kanyang kabayo. Bahagyang bumilis pero hindi nito mabibilisan ang takbo ng oras. Nakatingin ang mga pasahero ng mga sasakyan dumadaan pati na rin ang mga tambay at sasakya sa may gilid ng kalsada. Isang kalesang may hatid na dalawang estudyante sa kung anong oras na, hindi man lang nagmamadali.


“Bagal talaga, Tags,” sumuntok ulit si Mark John sa balikat ni Melchor.


“Yun na,” sabi ni Melchor sabay turo sa paaralan nila. “Kita na, oh! Malapit na tayo.”


“Ay salamat,” sabi ni Mark John.


Maluwag ang paaralan nila Mark John sapagkat makikitang sa oras ng lunch break ay malayang nakakalabas ang mga estudyante sa labas. Hindi normal sa mga nakararaming mataas na paaralan. Pero ganyan talaga. Pinayagan ng DEPED, plus accredited pa. Saan ka pa?


Sa may entrance naghihintay si Bernadette. Nanlilisik ang kanyang mata sa kuya ni Rolly. Nang sila ay makita ni Bernadette, tinakbo niya ang dalawa. Napansin naman ito ni Rolly at dali-dali humingi ng paumanhin kay Melchor, nagsabi babayaran na lang niya siya mamaya at ibaba na laman si Mark John sa may entrance.

“Tags, ikaw na muna bahala kay MJ. Maya na lang ang bayad,” sabi ni Rolly at pagkatapos ay napatalon na lang sa gilid ng kalsada. Tumango si Melchor sa pagkaunawa kay Rolly. Saglit lang na nawala na sa paningin ang kuya niya, kala mo’y anino ang humarurot sa paghabol ni Bernadette kay Rolly. Hindi siya napansin ng girlfriend ng kuya niya kung kaya’t hindi na rin niya nagawang bumati..


Napahinga ng malalim si Mark John sa pagkakaisip sa kanyang kapatid. Ngunit bumalik muli ang kanyang kaba. Unang araw ng klase, sakay ng kalesa sa pagpasok, break time na papasok. Ano nga ba ang kahihitnan niya.


Pumarada sa tapat ng eskwelahan ang kalesa. Bumaba si Melchor para alalayan sa pagbaba si Mark John. Nakatingin sa kanya ang mga estudyante na nakapaligid. Maski mga guro, tambay at pulubi ay namangha. Namula ang mukha ni Mark John. Siya ay nahihiya. Nangtiningala niya ang kanyang ulo ay napatingin siya sa taas ng kanyang bagong paaralan.


“Highschool ka na Mark John. Kailangan galingan mo,” sabi niya sa kanyang sarili. Nang magtungo siya sa gate napahinto siya. Nakita niya ang pinaka maganda babaeng nakita niya sa balat ng lupa. Huminto ang daigdig. Naramdaman niya ang laki at lawak ng sanlibutan. Ito ang babaeng tinadhana para sa kanya.


“Iho, ID mo?” tanong ng guwardiya kay Mark John. Napalingon ang babae sa estudyanteng tinatanong ng guard. Ang mga mata ng dalawang estudyanteng 'di magkakilala ay nagkatitigan.

No comments:

Post a Comment