Wednesday, June 1, 2022

Ako'y Kanyang Panaginip

Mataas na kastilyo sa aking paanan. Mga utusan na sa isang salita ay susunod ngunit walang naririnig. Magagarbong damit, nilikha ng mga tanyag at kilalang mananahe, nagiipon ng alikabok sa aking malaking aparador. Nagninigning na mga alahas at mga munting korona na kung sinuman ang makakita ay mabibighani sa ganda. Pader na sa bawat sulok kung hindi bantay ay mga naka istasyong kandila, palamuti,kurtina o kahit anumang nagpapabagabag ng kalooban. Isang aklatan sa isang gilid tanging bagay na tunay nakakaantig ng aking puso.


Sino nga ba ang marahil hindi magkakagusto ng ganitong pamumuhay, isang prinsesa ng kastilyong matagal nang nanatili. Ang mga nasasakupan napapangiti sa tuwing sila’y bibisita o akin man lamang matunghayan at mabati. Wala na bang mas sasaya pa sa ganito?


Ano kaya ang tinatago sa aking mga mata? Mga paglalakbay ng mga bayani’t nangangarap sa malayong ibayo lagpas ng kagubatang nakapalibot. Langhap ko ang simoy ng lutiang mga dahon pero nakakasawa kung hindi ko man lang ito mapuntahan. Mga bundok sa malayo, tulad din ba kayo ng mga ulap sa pagsapit ng dilim, kayo rin ba’y may tinatagong mga bituin?


Ang mala cristal na lawa, masarap marahil ay magtapisaw tulad ng mga aking nasilip na mga binibining naliligo minsan habang nagiigip ng tubig na magagamit. Maaninag mo nga ang araw o buwan sa linis pero hindi mo man lang mahawakan sa layo ng iyong abot.


Mga kapistahang maririnig minsan sa plaza ng bayan. Ano kaya ang kanilang pinagkakaguluhan? Minsan aking aamoy ang mga bagong gawa tinapay sa isang panaderya habang ang aming kinakain dito sa palasyo ay paulit ulit na at sa akin wala nang lasa. Hindi mapait, hindi ko rin masasabi na hindi masasrap, pero may iba pa kaya maliban sa nakagisnang walang iba?


Ganito na lang ba talag/a ang mangyayari sa akin? Maging prinsesa at balang araw maging reyna, wala na bang iba.


Pilit na ngingiti sa tuwing masusulyapan at kakausapin ng mga kawal. Dapat maging mabuti, dapat maging masaya. Puros pangaral, madaling gawin. Pero wala na bang iba? Nais ko rin makapaglakbay. Makakita ng maraming tanawin. Maliban sa pader ng karangyaan. Malaking pasasalamat ko na ako’y naging prinsesa pero bakit ang hirap amining ako’y masaya?


Lahat ay marahil makakakita ng aking pagkabagabag. Marahil lahat ay hindi makakaintindi ng aking kalungkutan. Maikukumpara na ba ako sa mga bilanggong walang laya? Napakasakim siguro kung tutuusin ang mangarap ng kalayaan habang ako’y sa palasyo naninirahan. Pero masama nga ba ang mangarap?


Kailan kaya ako makakatakas?

—-


Humikab ang magandang prinsesa sa gitna ng kanyang pagaaral. Inangat nya ang kanyang mga braso at nag-unat. Ito’y napansin ng kanyang maestra at madali niyang binagsak sa lamesa ang aklat na kanyang binabasa. Napatingin ang mga gwardya na nakabantay at sila’y mabilis na pinalabas sa silid ng maestra.


“Mahal na prinsesa!” sigaw ng maestra. “Alam kong may galit ka sa akin. At alam ko rin na nais mo nang umalis ako. Pero lahat ng tinuturo ko sa iyo ngayon ay mahalaga. Ano na lamang ang sasabihin ng mahal na hari kung wala kang natututunan sa akin? Lahat ng aking mga tinuruan ay walang mahahanapan ng bahid ng kamalian. Mga manyag na mga prinsesa’t prinsepe, na marahil ngayon na ay mga hari’t reyna. Mga karapatdapat na tingalain. Kung kaya’t kung ako sa iyo, sana ay pagbutihin mo.”


“Hindi naman ako galit sayo,” sa isip ng prinsesa. Huminga siya ng malalim at ngumiti sa puna ng gurong namumula na. “Humihingi ako ng paumanhin sa iyo, mahal kong guro. Pero pwede ba tayo muna makapag pahinga kahit saglit lamang? Mainit sa loob ng silid-”


“Sa may balkonahe natin ipagpatuloy ang ating diskusyon kung hindi mo nais ang loob ng iyong silid para sa pag-aaral. Halika na.” Dali-dali nagipake ang guro at dinala ang mga kagamitan sa leksyon sa may lamesa sa balkonahe. Ito’y hindi naman nagustuhan ng prinsesa pero alam niyang hindi siya makaka hindi sa maestra sumusubabay sa kanyang pag-aaral. Kahit nais niya man lamang sa panahon na iyon ay magbasa ng mga libro ng bayani, mga dragon, at paglalakbay.


Nang makaupo na sila sa mesa ay dali-dali naman napansin ng maestra na may pagkabagabag sa prinsesa.


“Hindi kita matuturuan kung ayaw mo mag-aral. Sabihin mo sa akin kung ano itong bumabalot sa iyong puso?” tanong ng maestra. Napalingon sa kanya ang prinsesa at binaling nyo mula ang atensyon sa librong kanilang tatalakayin.


“Ipagpatuloy na lang natin ang leksyon,” sagot ng prinsesa na ikinagulat naman ng maestra. Binalik ng maestra sa kanyang bagahe ang librong kanilang tatalakayin. At muling tinitigan ang prinsesa.


“Ilan taon na kitang tinuturan, Erika?” tanong ng maestra. Kinabahan ang prinsesa at napangiti na lamang.


“Kailangan mo ba talaga maging mukhang masungit sa harap ng mga guwardiya?” tanong ng prinsesa. “At huli kong alala, ako’y prinsesa, hindi ba?” Lumingon ang maestra sa aklatan ng prinsesa. Ilan ulit taon na rin silang magkakilala at alam niya ang ugali ng prinsesa. Napatayo siya nang napansin niya ang isang aklat na nawawala. Nagtungo ito sa aklat upang hanapin ang nawawalang libro at siya nagpunta sa kama ng prinsesa at doon ito natagpuan. Dinala niya ito sa lamesa sa may balkonahe at kanya binuklat.


“Saan ka na dito?” tanong ng maestra habang binabasa ng saglit ang mga pahina ng libro.


“Akala ko po ba ang kasaysayan ang paksa na ating tatalakayin?” tanong ng prinsesa.


“Marahil ipapatay ako ng hari kung malaman niya na ako ang nagbigay ng librong ito sa iyo.” sagot ng maestra at kanyang inilapag ang libro. “Tapos mo na ba ito?”


“Hindi pa,” ang sagot ng prinsesa. “Malapit na, kaso hindi ba hamak na mas maganda na tayo mismo ang makatunghay sa mga paglalakbay na naka lagay diyan? Na tayo mismo ang maging tauhang naglakbay sa malalayong lugar?”


“Isa kang prinsesa, Erika,” sabi ng maestra. “Nais mong ikumpara ang iyong sarili, na isang prinsesa, marangya at magiging masaya habambuhay, sa isang buhay na puno ng hirap at hinagpis? May mga araw na di sila kumakain, ikaw naman ay araw araw masasarap ang kinakain. May tirahan kang palasyo, habang sila naman ay kung mayroon man, hindi nila ito natitirahan. Malayo sila parati sa kanilang mga mahal sa buhay, hindi mo ba mahal ang iyong pamilya? Erika, isa kang prinsesa. Isang kahibangang naisin mo maging isang manlalakbay.”


“Pero-” nais niyang sumagot kaso natigil siya nang tumayo ang maestra.


“Anong alam mo sa paglalakbay,” tanong ng maestra habang pabalik sa loob ng silid para ibalik ang aklat sa kama ng prinsesa. “Hindi puros kasiyahan at pagiging tanyag ang buhay ng mga manlalakabay.”


“Alam ko,” sagot ng prinsesa. “Alam kong mahirap ang mga pinagdaanan nila at marami pang kanilang pagdadaanan. May mga kanya kanya silang hinagpis at alinlangan. Alam kong may mga araw din sa kanilang paglalakbay na may pangako ng kayamanan ay makakakuha lamang ng ilang pirasong ginto, siyang katumbas ng isa o dalawang araw nilang trabaho. Mga lugar na hindi pa nadidiskubre na kanilang subukang puntahan ay mapapad lamang sa isang disyerto. Hindi rin natin maia-alis ang pahamak na kaakibat ng kanilang paglalakbay. Ang iba ay nagbuwis ng buhay para sa kabubuti ng marami, samantalang may mga nagbuwis ng buhay na maski pangalan nila’y walang nakaka-alala.”


“Kung alam mo ang lahat ng ito, bakit? Bakit gusto mo maglakbay?” tanong ng maestra. Ngumiti ang prinsesa at tumungo sa balustrade ng balkonahe.


“Sawa na ako!!”


Namutla sa gulat ang maestra. Siya napatayo na rin at nataranta. Natakot na baka siya ay ipapatay ng hari dahil ang prinsesa ay sumigaw ng malakas. Ngunit ang akala niyang papasok na ang mga guwardiya para magusisa at siya ay dakpin walang nagpunta.


“Mahal na prinsesa. Alam kong ipapapugot na ang ulo ko ng mahal na hari pero sana ay pumasok ka muna sa iyong silid. Walang sumagot na mga kawal. May nangyayari sa loob ng palasyo marahil ay tayo’y sinasalakay,” sabi ng maestra pero hindi siya napansin ng prinsesa.


Ang mata ng prinsesa ay nasa isang estranghero tumatakbo, tumatalon at hinahabol ng mga guwardiya. Ang mala pusang akrobatikong tinutunghayan niya. Hindi sumagi sa isip ng prinsesa na marahil ito’y may masamang balak.


“Isang manlalakbay,” bulong ng prinsesa sa kanyang sarili. Hinahatak na siya paloob ng kanyang maestra para sila’y makaligtas kapahamakan pero ang prinsesa ay namamangha. Napatingin sa dulo ng tinatakbo ang prinsesa at napansin niyang dito na marahil magtatapos ang munting kasiyahan kanyang kinasasaksihan. Nagaabang sa dulo ang mga kawal at wala na siyang ibang lugar na matatakasan.


Huminto ang estranghero, ibaba na sana nya ang kanyang maskara’t balabal nang mapansin nya ang balkonaheng kinatatayuan ng prinsesa. Ang magandang prinsesa ay muling lumingon sa kanya at sila ay nagkatitigan.

—-


Tumunog ang alarma ng orasan ni Erika. Unang araw ng kanyang klasesa mataas na paaralan at parang lang itong tulad ng ibang araw. Walang kaganapan at walang kulay. Bumangon na Erika, nag-ayos ng kanyang higaan at dumirertso sa CR. Bakas sa salamin ang kawalan ng buhay sa kanyang mga mata. Panibagong paaralan, panibagong umaga ng kanyang buhay, tulad lamang ng ibang araw na kanyang pinagdaanan. Ang prinsesa sa kanyang panaginip marahil hanggang ngayon ay nangagarap.

No comments:

Post a Comment